(this was my official entry to the National PILIPINO Essay Writing Contest)
“Ang pambansang kamalayan ay tulad ng pag-ibig na animo’y nagtatago ngunit sa araw ng pagsibol ay hindi mapipigilan.”
Araw-araw ay kinakaharap natin ang mga pagsubok sa napakaraming adhikaing maging isang tunay na Pilipino, Pilipinong may malawak na pagtanggap sa pambansang kamalayan.
Ang ating mga mata, kamay, at labi kasabay ng ating pandinig ay mga natatanging instrumento upang mapalaganap natin sa ating pang-araw araw na pamumuhay ang isang kamalayan bilang anak, kapatid, kaibigan, kakampi. Bilang isang Pilipino.
Ang ating mga mata na saksi sa mga larawan ng ating bansa ay taglay nating panlaban sa isang matinik na pagbantay sa mga mapagsamantalang tao ng ating lipunan. Mga mapang-abusong pulitiko, marahas na pagkilos, at ladlad na paghihirap ang siyang magbibigay daan upang ipamulat sa ating kaisipan na ang ganitong kulay ay hindi nararapat na magtagal sa ating paningin at kinakailangan mapawi bago pa ang kinabukasan ay tuluyang mabahiran ng kasinungalingan at kawalang pag-asa.
Ang ating mga kamay na nagsasabing “kumilos ka” at damahin mo ang natatanging pagbabago na maaari mong maialay. Sa bawat pagdampi ng iyong mga kamay sa mabubuting gawain ng pagtulong sa mahihirap at pagiwas sa pananakit ng iyong sarili at nakakarami’y nagsasabing “mabuhay ka” at ipagpatuloy mo ang pagtaas ng iyong kamay sa pagtakda ng isang kinabukasan at pagbabagong maiaalay mo sa buong Pilipino.
Ang labi’y matinik mong tagapagtanggol sa mapanirang hamon ng pagbabagong kultura at impluwensya ng mga dayuhan ay nananatiling taglay mo sa pagsisimula at pagbangon ng nakalimutang asal ng Pilipino. Muli, ay ipakilala sa ating mga kabataan ang galak at ganda ng paggalang sa nakakarami, ang wastong pagkilala sa nakakaitaas, at pagkilala sa kagandahan ng ating wika at pagka-Pilipino.
Ang ating pandinig na animo’y makinang hindi titigil sa pagtanggap ng kaalamang magpapabago sa ating kamalayan. Natatanging kasangkapan natin sa isang malawakang pagtanggap sa mga kasinungalingan at kalokohan ng mga mapagsamantalang pinuno. Ang ating pandinig na ang mensahe ay iparating ang katotohanan at isaalang-alang ang matugis na paghinuha sa kung ano ang tama at mali, sa mas nakakabuti sa ating kapwa Pilipino.
Ang pambansang kamalayan ay taglay mo kailanman. Ang paggising nito ay tulad ng isang pag-ibig na dumarating at dapat na alagaan. Ang katangian mo bilang tao at Pilipino ay natatangi at mahalaga upang ang Pilipinas ay tuluyang mamulat, madama, masambit at marinig sa lahat ng sulok ng mundo.
“Ang paggunita ng kamalayan ay tulad ng pagsilang ng sanggol. Isang pagluwal ng panibagong pag-asa at simulain pagkatapos kaharapin ang mga unos at pagkatakot, paglimot at pagkatalo.”
Ang lahat ng bagay ay hindi nagtatapos, at hindi mawawalan ng pagkakataong mabago at maisaayos. Tulad ng pagkaPilipino at ang pag-asang mapadali ang pagkamit ng pambansang kamalayan, Ngayon at Kailanman.
Tugon ko sa tawag ng kamalayan ay “Oo!”, hamon ko sa nakakarami ay “tayo na!” Sa munting pagpapadama na ang kabataan ay mahalaga sa pagbabago at ang kinabukasan namin ay binibigyang puwang ng nakararami ay isang pagsalamin na hindi kailanman nawala ang ating pagkapilipino at kamalayan bilang mga Pilipino.
Ang pagtanggap sa amin at patuloy na pagtanggap sa mga kabataan ay susi sa mas mabilis na pagkilala sa ating pagkatao at kamalayan. Tulad lamang ng anibersaryong ginugunita taon-taon. Ang pagkilala, at pagiging bukas sa aming maiaalay na pagbabago at kagandahan ay isang selebrasyon para sa mas maganda at mahabang samahan ng pagkakaisa at pagmamahalan ng pagiisip at sarili sa kapwa.
Ang hayaan kaming tuklasin an gaming kakayahan ay laking pagpapasalamat na sa ngalan ng kapwa ko kabataan. Ang pagbukas sa aming kaisipan ay pagkilala sa aming pagkakataong mabago ang hinaharap sa isang mas malayang Pilipinas.
At higit sa lahat, ang patuloy na pagsubaybay sa ating mga kabataan at pagbigay halaga sa aming magagawa ay isang paraan na kailan man ay makakatulong sa pagkamit ng pambansang kamalayan.
Sabihin mang mumunti pa ang ating taglay na bilang, ngunit hindi maglalaon ay makakamit natin ang bilang na kailan man ay ‘di na matitinag ng anuman pagsubok at paghamon. Tayong mga Pilipino, mananatili tayong bukas sa pagtanggap at paglakas ng ating kamalayan.
“Nabuhay ako sa isang lugar kung saan takot ang laging nadarama sa tuwing ito ay nasasambit. Sa Mindanao. Ang lugar na animo ay halimaw na kinakatakutan at pinandidirihan ng marami, kabilang na kaming mga naninirahan. “Bang! Bang! Bang!” mga tunog ng baril na wari ay humahabol sa aming lahat at tinataboy kami palayo sa aming sinilangan. Tunog na hanggang ngayon ay nangingibabaw sa amin sa kabila ng maraming panahon ng paglimot at pagtalikod sa maagang pagdungis sa aming mga malinis na kaisipan.
Nagpalipat-lipat kami ng tirahan kasabay ng mga kapwa kong nagnanais ng panibagong simulain. Simulaing magbibigay linaw sa mga nakulong na kalayaan at nabuong takot sa aming murang kaisipan. Ngunit kasabay ng pag-alis ko sa aking sinilangan ay baon ko ang takot para sa aking mga naiwang kapatid at kaibigan. Malayo man ang aking narating sa paghahanap na katahimikan ay hanap ko rin ang katiwasayan ng pagiisip at masaganang buhay para sa mga naiwan kong kaibigan at kapatid.”
Sino man, ano man at kailan man. Ang Pilipinong may mata sa loob at labas ng kanyang pagiisip ay handang tahakin ang mga paglalakbay patungo sa isang Mabuting Pilipino at Maayos na Pilipinas. Pambansang Kamalayan. Sa lahat ng sulok ng Pilipinas, ang Pilipino ay hindi makasarili, nagiisip at nananalangin sa ikakabuti at ikaaangat ng nakakarami. Pambansang Kamalayan. Saan ka man nagmula ay bitbit mong may taglay at paghanga ang iyong nakaraan kasabay ng pangarap na nais para sa lahat. Pambansang kamalayan. Kailan man ay hindi mamamatay, ang Pilipino ay hindi tumitigil at hindi magpapahuli; hamunin man ng maraming pagkutya at pagtalikod. Pilipino, nananatiling nakaagapay.
Isa lamang ako sa maraming kabataan ngunit ang Pambansang Kamalayan ay nagtulak sa akin upang maibahagi ko ang katangian nating mga Pilipino’ng pilit na nagtatago at tinatago ng ating kapwa Pilipino. Tiyak kang ako ay naging bihag ng takot at kawalan ng pag-asa ngunit takda ko ang kapalarang hindi magpapagapi sa takot at ang pagbangon hindi lamang para sa aking sarili, kundi para sa lahat ng nais kong iligtas at bigyang pag-asa.
Taglay mo ang aking taglay. Hindi mukha ng takot kundi mukha ng katatagan at pag-asa’ng nais kong ipaabot,ipagmalaki at ialay sa aking kapwa. Kung ako man ay nagising, tiyak kong sasamahan mo ako. Hindi natin kailangang humimlay sa masamang panaginip, hinihintay na tayo ng isang makulay na bukas.
Ang Pilipino ay may Pambansang kamalayan. Bukas sa lahat ng pagbabago at matatag sa matinding hamon ng pagkakaisa. Ako ay Pilipino, humaharap sa nakararami ng may paggalang, at paghanga sa maaari kong maitulong sa pagbabago at pagsisimula. Ikaw ay Pilipino, dahil sa iyo ako ay nagiging matatag, tutulungan mo ako at tutulungan kitang makamit natin ng sabay ang kamalayan, pagbabago,pagkakaisa at kasaganahang ninanais natin. Tayo ay Pilipino, sa kabila ng unos ay mananatiling masaya at nakangiting haharapin ang nakasalubong na kahirapan. Hawak kamay na wawakasan ang pader ng kasinungalingan, at pagmamalupit. Tayo ay Pilipino, magigising ng may magandang kwento sa kinabukasan ng ating kinabukasan.
Ako ay Pilipino, anak, kapatid, kaibigan.
Ako ay Pilipino, nangangarap, kumikilos, umaasa.
“Ako ay Pilipino, at inaalay ko ang aking sarili sa isang adhikaing makamit ang tunay na kamalayang magpapabago at magbibigay daan sa isang bagong PILIPINO, sa isang matatag na PILIPINAS.”