Sunday, February 17, 2008

PILIPINO

(this was my official entry to the National ON THE SPOT Essay Writing Contest in Filipino)
PILIPINO, NGAYON NA!
“Ang pagkinig at pagtanggap sa mga munting tinig ng mga Pilipino ay nagsasadya ng isang musikang magpapabago ng ating bansa.”
Ang PILIPINO ay isang samahan ng mga Pilipino – ginawa para sa mga kapwa Pilipino. Ito ang samahang handang tumanggap at linangin ang kamalayang magbubuklod, magmamahal at magliligtas sa kasalukuyang hinaharap. Ito ang samahang gigising sa nakatagong diwa ng ating pagkabayani at pagiging tunay na PILIPINO. Ako ay Pilipino, at tulad ng isang may tunay na prinsipyong Pilipino – hangad ko ang maging munting tinig para sa isang musika na magbibigay daan sa pagbabago ng ating bansa.
Ang PILIPINO tulad ng nakakami’y hangad ang katiwasayan at maisulong ang pagkapilipinong may pagmamahal sa Diyos, sa bansa at sa kapwa tao. Ipinaglalaban nito ang maibalik ang tunay na demokrasya: hindi lamang sa sulat kundi pati sa diwa at gawa. Pinaglalaban nito ang ating kapakanan ng walang sariling motibong pinanghahawakan, may paninindigan sa kahalagahan ng pagsasakripisyong ang kaakibat na lakas ng loob at tatag na maibangon at maisulong ang pagbabago sa isang mapayapa at demokratikong pamaraan.
Hindi tulad ng maruming samahan, ang PILIPINO ay nabubuhay sa kapwa Pilipino at hindi sa salapi at karangyaan. Hangad nito ang linangin at gisingin ang kamalayang sa atin ay nagtatago. Hangad nitong pagyamanin ang mga Pilipino sa diwa ng pagkakaisa at pagmamahal sa Diyos at sa kapwa tao. Hangad nitong kilalanin ang ating pagkabayani at pagkapilipinong babangon at magbabalik ng isang mapayapang Pilipinas.
Ang PILIPINO hindi tulad ng nakararaming malalaki at maliliit na samahan ay damong wari’y maliit at mahinang pagmasdan kung ihahambing sa mga matatayog na puno. Ngunit ang totoo ay higit na mas matatag at kumakapit ito sa kabila ng unos at pagsubok di gaya ng mga punong napuputol at sumusuko sa pagkapit sa kanyang mga ugat. Maraming mga samahan ay salapi ang ugat ngunit ang samahang ugat ay tao, patuloy itong kumakapit at namumunga.
Tayong mga Pilipino na pra sa mga Pilipino ay handang makiisa sa tawag ng musika ng pagbabago; lilinangin ang ating kabayanihan at tulad ng mga damo ay mananatiling matatag sa gitna ng mga unos at pagkakataon, bibigyang balance ang bughaw na kulay ng langit taglay ang mga berdeng kulay ng pagasa at sabay nating kukulayan ang daan patungo sa tugatog na ating tagumpay. Tagumpay ng tunay na PILIPINO.
Tunay nga, narito na! Tayo na at magbunyi sapagkat ang inaasam na pagasa ay nasa ating palad na kasama ang dalisay na pagtawag at pagsagot sa hamong gigising sa bawat isa – ang hamong gagabay patungo sa adhikaing kakatawan sa pagasa ng kapilipinuhan. Nagkakaisang tugon sa pangangalaga sa adhikaing mapanatili ang buhay na pagasa at nagkakaisang hakbangin upang makamtan ang tagumpay ng bansa. At sa pagkakataong ito, kinakailangan natin ng mga taong mamumuno, handang isakatuparan ang pagiging tunay na PILIPINO; sa isip, sa salita at sa gawa.
Kailangan natin ng dalisay na mamumuno – Siya ang tunay na Pilipinong animo’y malinaw, malinis, at malalim na tubig. MALINAW: Pilipinong pinunong handang magsakripisyo, mula simula hanggang katapusan ay patuloy na magmamahal sa bansa at matatag na maninindigan at kakapit sa kanyang prinsipyong maka-tao, maka-diyos at maka-bansa. MALINIS: Pilipinong walang tinatagong mikrobyong unti-unti at palihim na papatay sa ating mga adhikain at MALALIM: Pilipinong handang tumanggap ng alinmang hamon, handang sumuong sa kapahamakan; magliligtas at pangangalagaan ang kapwa maging sa kalalim-laliman at kadulu-duluhan ng paglalakbay.
Siya ang Pilipinong pinunong para sa tao, para sa Pilipino. Ang taong natatangi at tulad ng tubig ang siyang liligtas sa ating pagkalunod, gagabay sa ating adhikaing makamit at kasamang lalangoy sa pagtupad ng KALAYAAN, KAGALINGAN, KABAYANIHAN AT KAMALAYAN. Wasto na ang ating mga nasayang na oras para sa mga pinunong lumalason at takot sa tubig at mapaglaro ng kapakanan upang ang mga kasakiman ay maisakatuparan.
Siyang tunay, na isang malaking kamalian kung ngayon pa natin nakikita at namulat sa mapait na katotohanan. Ngunit gaya ng samahang PILIPINO, kasama ang mga natatanging mga bayaning nagpapatupad, nanghahamon at gumagabay dito: hindi pa huli ang lahat at makakayanan pa rin nating pagisahin ang mga Pilipino at bumangon mula sa mga KASINUNGALINGAN, KASAKIMAN AT KARUWAGAN.
Kapwa ko Pilipino, naging saksi na tayo sa masiklab na digmaan ng kapwa natin mga Pilipino – at sa bawat pagputok ng mga baril ay patuloy naman tayong nagtatago. Panahon na upang ito ay ating harapin; hindi natatapos ang digmaan sa pag-iwas at hindi rin ito nasasagot sa pagputok ng panibagong baril. Kinakailangan lamang nating magkaisa sa pagsangga at ipakitang kaya nating harapin ng buong tatag at tapang ang pagsiklab nito. Patuloy lamang na dadami at lalakas ang ating kaba at takot kung ating tatalikdan ang bawat pagsiklab. At tulad ng mga pumuputok na kasinungalingan ng ating mga kasalukuyang mamumuno – kinakailangan natin ng pinunong sasangga sa ngalan ng kaayusan at kabutihan. Pinunong gagawin hindi lamang para sarili kung di para sa bansang tinatangi.
Ang Pilipino, tunay ngang kahanga-hanga, lumalaban at hindi sumusuko. At tayong mga Pilipino, handa tayong magkaisa sa ngalan ng pagbabago ng bansa at sarili. Tulad ko, tulad mo, hangad kong mamalayan ang malinaw na pagbabago kasama ang tunay na Pilipinong pinunong magmamahal sa TAO, sa DIYOS at sa BANSA.
Muli, tulad ng sining iskultura – matagal bago mahulma ang perpektong hugis ng nilikha, bagaman sa pagtatapos nito ay habang buhay na mananatili at maaalala, at patuloy na magpapakita ng kamalayang ang lahat ng pinaghihirapan gawa ng pagmamahal at pagkakaisa ay may kahahantungang kabutihan at kaginhawaan.
Tulad nating mga Pilipino, marami pa mang pagsubok ang ating kahaharapin, Ngunit sa huli ay atin ring makakamtan ang perpektong hgis ng ating pagkapilipino: Nilikha ng may pagmamahal at hinulma ng pagkakaisa. At habang buhay, ito ay tatatak sa isip at maging sa puso ninuman – ito ang sining na kailanman ay hindi mananakaw, ang tunay na pagkaPILIPINO.
“Inaanyayahan ko, kapwa ko Pilipino “ – mapalad tayong sa gitna ng unos, tayo pa rin ay kumakapit at di nawawalan ng pagasa.
“Hinihintay ko, kapwa ko Pilipino” – batid ng mga bayaning ibig tayong makapiling sa pagpapalaganap ng kamalayang tunay. At,
“Hinahamon ko, kapwa ko Pilipino” – Oras nang kami ay iyong samahan at tumugon sa aming pagyaya at paghihintay tungo sa iyong pagkagising.
Ang galing mo, kay tatag mo, kay lakas at tatag mo, PILIPINO! Huwag mawalan ng pagasa at pagmamahal sa bayang sinilangan at kasama mo. Ako, ikaw, tayo na at sabay nating isakatotohanan at isigaw, “Ako ay Pilipino, para sa Pilipino. Sa isip, sa salita, at sa gawa!”
Ngayon na.

1 comment: